Magparehistro na!Alinsunod sa Resolusyon Blg. 10833 na ipinalabas ng Commission on Elections (COMELEC), lahat ng kwalipikadong Pilipino na hindi pa nagpapatala bilang overseas voter ay maaaring magpasa ng kanilang aplikasyon para marehistro at makaboto sa pambansang eleksyon sa 2025. Ang pagsusumite ng aplikasyon sa embahada para marehistro bilang overseas voter ay mula ika-09 ng Disyembre 2022 alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, at magtatapos sa ika-30 ng Setyembre 2024. (Hindi kailangang kumuha ng iskedyul upang magpasa ng aplikasyon para dito.)

Upang makapagpatala, kinakailangang sagutin ng wasto ng mga aplikante ang Overseas Voter Registration Form No.1 (OVF-1) at personal na magsumite ng mga dokumento sa Consular Section ng Embahada ng Republika ng Pilipinas na matatagpuan sa: 

No.8 Jalan Imam Bonjol, Menteng,
Jakarta Pusat, 10310
Indonesia

Kailangang dalhin ang mga sumusnod:

  1. OVF-1 form (Mada-download mula sa official web site ng embahada sa https://jakartape.dfa.gov.ph/downloads)
  2. Katunayan ng Philippine citizenship (gaya ng pasaporteng kaloob ng Pilipinas at malinis na kopya ng data page nito. Kinakailangang valid pa ang dalang katunayan ng Philippine citizenship.)

Kung wala pang hawak na valid Philippine passport, maaaring magpakita ng ibang katunayan ng pagka-Pilipino katulad ng mga sumusunod:

  1. Philippine Seafarer’s Book para sa mga manlalayag o seafarers
  2. Orihinal o sertipikadong kopya ng Identification Certificate na kaloob ng Bureau of Immigration o di kaya ang Order of Approval ng kanilang Philippine citizenship retention/re-acquisition (para sa mga nag-apply ng RA 9225)
  3. iba pang dokumento-ligal na kaloob ng pamahalaan ng Pilipinas na nagpapakita ng Philippine citizenship

 

Ang overseas voting period para sa taong 2025 ay para sa mga kandidato sa pagka-Senador at Party List Representatives lamang, at makakaboto ang mga rehistradong overseas voters mula ika-13 ng Abril 2025 hanggang ika-12 ng Mayo 2025.

Maraming salamat.