MENU

 

Mensahe ni Tagapangulo Dr. Rene R. Escalante sa Pagisimula ng Buwan ng Kasaysyan at Buwan ng Wikang Pambansa

Manila Metropolitan Theater
ika-01 ng Agosto 2022

 

NHCP Chair Dr. Rene EscalanteMula nang tayo’y bata pa, ang Agosto ay itinuturing nang buwan ng Wikang Pambansa. Naging pagkakataon ito upang itampok di lamang ang ating Pambansang Wika kundi maging ang mga bagay na magpapadama sa atin na tayo’y Pilipino. May mga sayawan, awitan, pagbigkas ng mga tula, patimpalak sa pagsulat, at kung nakakaluwag-luwag ang paaralan, may handaan pa ng mga pagkaing Pilipino. Sa ganang ito, masasabi kong ang Buwan ng Wika ay buwan din ng kulturang Pilipino. Kung may pagbabago man akong napansin sa taunang Buwan ng Wika, ito ay ang pag-aangat din ng Komisyon sa Wikang Filipino sa iba’t ibang wika ng Pilipinas. Patunay ito na narating na natin ang isang lipunang may pagkilala sa katangian ng Pilipinas: Isang bansang maraming wika, kultura, at karanasan.

Lingid sa kaalaman ng marami sa atin, buwan din ng Kasaysayan ang Agosto sa bisa ng Proklamasyon Blg. 339, serye ng 2012. Napili ang Agosto dahil punong-puno ito ng makasaysayang pangyayari na may kinalaman sa pagsilang ng bansang Pilipino. Kasama na rito ang pagsiklab ng Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896. Ito’y isang pangyayari sa ating kasaysayang nagtulak sa ating pagkabansa, paglaya, at pagiging unang demokrasya at republika sa buong Asya.

Sa Argentina, ang simula ng himagsikan sa kanila na ginugunita tuwing Mayo 25 ay itinuturing nilang national day, na katumbas ng Araw ng Kalayaan sa Pilipinas. Ganito rin sa Ehipto na ang national day ay nakaangkla sa Rebolusyon sa Ehipto tuwing Hulyo 23, at sa Pransiya tuwing Hulyo 14 na kilala sa tawag na Araw ng Bastille. Di natin magawa ito sa Pilipinas dahil magpahanggang ngayon, pinagtatalunan pa rin kung kailan ba nagsimula ang Himagsikang Pilipino noong Agosto 1896. Sinubukan naman itong desisyonan nang gunitain ng Pilipinas ang sentenaryo ng Rebolusyong Pilipino noong panahon ni Pangulong Ramos taong 1996. May nagsasabing nagsimula ito noong Agosto 22, Agosto 23, at Agosto 24. Iba-iba rin ang sinasabing pook na pinangyarihan: may Kangkong, Pugad Lawin, at Balintawak. Nakakagitla ang mga datos sapagkat ang mga petsang nasabi ay mula sa mga saksi rin ng pangyayari.

Naging maingat dito ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. Sapagkat kung ipipilit natin ang isang petsa, tiyak na may aangal at ang pagdiriwang taon-taon ay puputaktihin ng mga batikos sa halip na maging pagkakataon ito upang magkaisa at magbunyi. Wala mang aktuwal na petsang mapagkayarian kung kailan nagsimula ang Himagsikang Pilipino, mananatiling sagrado ang buwan ng Agosto sa mga Pilipino. Kaya tinuturing ito ngayon ng pamahalaan bilang Buwan ng Kasaysayan.

Bilang guro, hindi dapat magsapawan ang mga nagtuturo ng Filipino at Kasaysayan tuwing Agosto. Bagkus, maging ehemplo itong sinimulang ideya ng Komisyon sa Wikang Filipino na magkaroon ito at ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ng sabay na pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan. Pasasaan pa’t kaya tayo nagdiriwang ng Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan ay upang ipagrangya ang ating narating bilang bansa at bahagi nito ang buhay na mga wika ng Pilipinas at ang Pambansang Wika. Sa kabila ng ilang daang taong pananakop sa atin ng mga dayuhan, hindi namatay ang daan-daang wika ng Pilipinas. At patunay ang mga wikang ito na nagawa nating mapanatiling malaya ang ating mga dila at pag-iisip. Naging daluyan din ang ating mga katutubong wika ng saloobing maging literal na malaya ang bayang tinubuan. Tandaang sa wikang katutubo sinikap magtalastasan ng mga tagapagtatag ng Katipunan. Ang mismong pangalan ng Katipunan ay nasa wikang katutubo. May patakaran pa nga sa loob ng Katipunan na naghihikayat sa mga kasapi nitong magsalita sa wikang katutubo.

Nang dumating ang mga Amerikano, itinuloy pa rin natin ang laban tungo sa kalayaan sa pamamagitan ng panitikan, dulaan, at musika. Tandaang sa Cebuano nagsulat si Vicente Sotto at sa Kapampangan naman sina Juan Crisostomo Soto at Felix Galura upang panatiliing buhay ang alaala ng Himagsikang Pilipino. Sa wikang Hiligaynon naman binuhay ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Ramon Muzones ang diwa at mundo ng ating mga ninuno. Ang dakilang manunulat sa Waray na si Jaime de Veyra ay kasama sa unang opisyal na bumuo sa Philippine Historical Research and Markers Committee, ang ninuno ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. Ang Pambansang Awit, na siyang alaala ng Himagsikang Pilipino, ay ating inaawit sa wikang Pambansa. At ito’y maigting na pinatutupad ng Komisyon Pangkasaysayan sa bisa ng mandatong inaatang sa amin ng Batas Republika Blg. 8491. Dapat ding mabanggit na ang mga panandang pangkasaysayan ng Komisyong Pangkasaysayan ay nasa wikang Filipino, at sa mga nakakaraang taon ay aming pinahihintulutan na isalin ng mga pamahalaang lokal sa kanikanilang wikang bernakular ang mga ito. Naniniwala ang Komisyong Pangkasaysayan na bukal ng dangal ang sariling wika.

Napakamakabuluhan ng tema ng Buwan ng Wika sa taong ito na “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.” Hanggat may isang Pilipinong nag-iisip gamit ang kaniyang sariling wika—Ilokano ka man o Bisaya—mananatili ang kaugnayan natin sa dila ng ating mga ninuno. Pamana ang mga ito sa atin upang gamitin, payabungin, at gayundi’y ipasa sa susunod na salinlahi. Ang bayan nama’y laging sabik na tuklasin ang sarili niyang kasaysayan, at naghuhumiyaw ang pangangailangang ibaba ito sa madla gamit ang wikang nauunawaan nila. Di rin pahuhuli ang tema ng Buwan ng Kasaysayan na “Kasaysayan, Kamalayaan, Kaunlaran.” Ang isang bayang may malay ay bayang maunlad, sapagkat batid niya ang kapangyarihan ng kasaysayan upang baguhin ang pag-iisip ng tao upang maging mulat, mapagbago, malikhain, mapagpunyagi, at mabuti sa kapwa Pilipino at kapwa-tao.

Hindi nagkataong sa buwan ng Agosto pumatak ang Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan. Magkaugnay ang pusod ng wika at kasaysayan. Buhay ang kasaysayan dahil sa wika. Ang wika ay buhay dahil may malay tayo sa kasaysayan. 

(Hango sa https://nhcp.gov.ph/mensahe-ni-tagapangulo-dr-rene-r-escalante-sa-pagsisimula-ng-buwan-ng-kasayayan-at-buwan-ng-wikang-pambansa/ )