(ika-1 ng Hulyo 2021) -- Pinag-iingat at pina-aalalahanan ng Embahada ng Republika ng Pilipinas sa Jakarta ang lahat ng mga Pilipino patungkol sa patuloy na tumataas na bilang ng arawang-tala ng bagong kaso ng Covid-19 sa kapuluan ng Indonesia.
Ang madaling pag-kapit ng bagong “Delta variant” ng SARS-CoV-2 virus ang tinuturing na dahilan sa mabilis na pagkalat ng Covid-19 sa bansa, bukod pa sa panunumbalik ng kumpyansa ng ilan at pagwawalang-bahala sa mga babala at itinalagang panuntunan ng mga eksperto sa kalusugan at lokal na otoridad ng Indonesia. Ang paalalang mag-ingat ay para sa ating lahat kahit pa ang ilan ay maaaring nakapag-pabakuna na.
Nakiki-isa ang embahada sa panawagan ng pamahalaan ng Indonesia para sa karagdagang pagsunod at pag-unawa sa mas pina-igting na mga patakaran patungkol sa pagkilos ng mga mamamayan na ipatutupad sa mga susunod na araw.
Ang pagsasakripisyo ng bawa’t isa at sama-samang pagtututulungan sa panahon ng pandemiya ang makakapag-pabilis sa pag-ahon nating lahat mula sa kasalukuyang pagsubok.